Arestado ang lady traffic enforcer sa entrapment operation ng Iloilo City Police Station 2 alas-2:00 ng hapon noong Martes, Setyembre 16, 2025, sa Brgy. Nabitasan, La Paz, Iloilo City.
Narekober sa suspek ang 6,300 pesos na boodle money at 100 pesos na marked money.
Kinilala ang 26-anyos na suspek na si alyas Trina, residente ng New Site, Brgy. Bitoon, Jaro, Iloilo City.
Ang complainant ay si alyas Luis, 22-anyos na college student at residente ng Oton, Iloilo.
Unang nahuli ang biktima noong Marso sa Luna Street, La Paz, Iloilo City dahil sa pag-u-turn sa harap ng Gaisano La Paz na ipinagbabawal ng Traffic Management Unit (TMU). Sinabihan siya ng suspek na nakagawa siya ng tatlong paglabag sa trapiko na hindi malulutas sa loob ng 48 oras kung hindi siya magbabayad.
Pinabayad siya ng 500 pesos para hindi siya matiketan.
Kinuha ng suspek ang contact number ng biktima at humingi ng pera sa pamamagitan ng GCash.
Sinabi ng estudyante na base sa kanyang listahan, nagbigay siya ng tig-500 pesos noong Marso at Abril, 1,500 pesos noong Hunyo, 11,225 pesos noong Agosto, at 15,900 noong Setyembre.
Nagbigay ang biktima ng mahigit 30 thousand pesos sa suspek sa loob ng 7 buwan.
Ibinunyag din ng estudyante na pinilit siya ng suspek na magpadala ng pera sa kadahilanang naospital ang kanyang anak at marami pang personal na dahilan.
Kamakailan, muling binantaan ng suspek ang biktima na itutuloy niya ang pagsasampa ng kaso kapag hindi siya nabigyan ng pera. Iniulat ng 22-anyos na estudyante ang insidente sa pulisya.
Na-validate ng pulisya ang reklamo at naglunsad ng entrapment operation laban sa suspek.
Isinagawa ang operasyon gamit ang Body Worn Camera (BWC) coverage, at nakuha sa suspek ang subscribed entrapment money na ₱6,300.00; ₱100.00 na marked money; cellphone (OPPO A5 2020); at karagdagang cash na ₱1,650.00.
#iloilonews
Comments
Post a Comment